Ipinag-utos ng Commission on Audit (COA) ang agarang pagsasagawa ng fraud audit sa mga flood control project sa Bulacan, bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panagutin ang mga nasa likod ng mga pumalpak na proyekto.
Ang utos ay inilabas ni COA Chairperson Gamaliel A. Cordoba sa pamamagitan ng isang memorandum noong nakaraang Martes.
Ayon kay Cordoba, ang audit ay kritikal sa harap ng seryosong isyung binanggit ng Pangulo, lalo na ngayong panahon ng habagat kung kailan patuloy ang pagbaha at paglikas ng mga residente.
Saklaw ng audit ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan—isa sa mga lugar na madalas bahain kung saan umabot sa ₱44 bilyon ang inilaan ng gobyerno. Ito ang pinakamalaking bahagi ng flood control budget sa buong Region 3, katumbas ng 45% ng regional allocation.
Sa kabuuan, nakatanggap ang Central Luzon ng ₱98 bilyon mula Hulyo 1, 2022 hanggang Mayo 30, 2025, o 18% ng ₱548 bilyong pondo para sa flood control projects sa buong bansa.
Inutusan din ni Cordoba ang lahat ng supervising auditor at audit team leader sa mga DPWH District Engineering Office sa Region 3 na agad isumite ang kaugnay na dokumento at makipagtulungan sa audit teams anumang oras.
Sa kanyang pagbisita sa Calumpit, Bulacan ngayong linggo, nakita mismo ng Pangulo ang isang proyekto sa ilog na idineklarang “tapos na” sa opisyal na ulat ngunit malinaw na hindi pa pala kumpleto.











