--Ads--

Natuklasan ng Commission on Audit (COA) na nagbigay ang SSS ng humigit-kumulang P333 milyon para sa “Prestige Awards,” na umaabot hanggang P50,000 kada empleyado, sa mahigit 6,500 opisyal at kawani.

Hindi umano naipakita ng SSS na ang mga insentibong ito ay nakabatay sa matitipid na bunga ng inobasyon o personal na kontribusyon, gaya ng hinihingi ng batas na naglilimita sa mga gantimpala sa 20% ng generated efficiencies.

Ang Prestige Awards ay incentives cash para sa mga empleyadong nagpakita ng natatanging pagganap o nagbigay ng kontribusyong nagdulot ng pagtitipid at mas mataas na kahusayan. Ngunit ayon sa COA, may mga insentibong ibinigay sa nakapirming halaga anuman ang aktuwal na matipid, na nagresulta sa mga “irregular at excessive expenditures.”

Hiniling ng COA na magsumite ang SSS ng evaluation report na magpapatunay sa pagiging lehitimo ng mga ibinigay na insentibo o isauli ang mga hindi napatunayang bayad.

Dagdag pa rito, natuklasan ng COA na may mga pensioner na pumanaw na ngunit patuloy pa ring nakatatanggap ng pensiyon, na nagdulot ng P24.811 milyon na overpayments. Itinuring ito ng audit body bilang indikasyon ng malubhang kahinaan sa financial safeguards ng SSS na maaaring makapinsala sa pagiging matatag ng pondo para sa pensiyon.

--Ads--

Natukoy din ng COA ang halos P3 milyon na underpayment sa SSS funeral benefits, na maaaring magbawas sa nararapat na benepisyo ng mga legal na asawa ng mga namayapa. Ayon sa ulat, ang underpayment sa 293 sa 1,584 na sinuring claims ay bunsod ng “incomplete computation of contributions.”

Ayon sa SSS, maaaring dulot ng ilang salik ang underpayments, ngunit hindi ito detalyadong ipinaliwanag sa ulat.

Inatasan ng COA ang SSS na ayusin ang mga kakulangan sa 293 claims at siguraduhing masusing masuri ng mga processor ang mga application para sa Funeral Benefit upang matiyak ang pagiging wasto ng mga benepisyo.