Puspusan ang ginagawang paghahanda ng mga coaches at atleta na kalahok sa Cagayan Valley Regional Athletics Association (CAVRAA) Meet 2026 upang matiyak ang kanilang kahandaan at dispilina para sa palaro.
Sa kabila ng samu’t saring hamon sa pagsasanay, ibinahagi ni Ginoong Arthler Ryan Batoon, coach ng Lawn Tennis Boys Elementary ng SDO Quirino, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan na nagsimula ang kanilang preparasyon kasunod ng provincial meet sa pamamagitan ng masusing school-based selection ng mga manlalaro.
Sumailalim din ang koponan sa in-house training noong buwan ng Marso na aniya’y nagbunga ng mas mataas na antas ng kanilang kahandaan kumpara sa mga nagdaang ensayo.
Binubuo ang kanyang koponan ng apat na manlalaro mula sa iba’t ibang paaralan sa Quirino, Isabela na sumailalim sa sistematikong iskedyul ng pagsasanay upang higit pang malinang ang kanilang kakayahan.
Binigyang-diin ni Ginoong Batoon ang kahalagahan ng disiplina sa sarili sa loob man o labas ng court bilang isa sa pinakamahalagang salik sa paghubog ng kanilang husay at pagganap.
Aminado rin siya na hindi naging madali ang kanilang paghahanda dahil sa mga kinakailangang pag-aangkop sa training program, subalit agad naman aniya itong natutugunan sa pamamagitan ng epektibong koordinasyon at pagtutulungan ng buong koponan.
Samantala, Nagsagawa ng masusing inspeksyon ang Santiago City Police Office sa Sports Complex Arena sa Barangay Baluarte, gayundin sa mga billeting areas bilang matutuluyan ng mga delegasyon bilang bahagi ng paghahanda para sa Cagayan Valley Athletics Association o CAVRAA Meet 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Lieutenant Colonel Maciste Extor Serrano, Deputy City Director for Operations ng Santiago City Police Office, sinabi nito na isinagawa ang inspeksyon upang tiyakin ang kahandaan ng mga pasilidad, seguridad ng mga kalahok, at kaayusan sa inaasahang pagdagsa ng mga atleta, delegado at bisita mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Ayon sa opisyal, nakatuon ang kanilang pagsisikap sa ligtas at maayos na pagdaraos ng CAVRAA Meet 2026 sa pamamagitan ng maagang pagsuri sa mga venue at mga itinalagang matutuluyan ng mga delegasyon.
Dagdag pa rito, inihahanda rin ang traffic management plan na may mahigpit na koordinasyon sa mga kaukulang yunit upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko at matiyak ang maayos na paggalaw sa paligid ng mga event area.
Patuloy namang hinihikayat ng Santiago City Police Office ang publiko na makipagtulungan sa mga ipatutupad na seguridad at trapiko upang masiguro ang ligtas, maayos, at mapayapang pagdaraos ng CAVRAA Meet ngayong taon.











