Malaki ang tiwala ng mga coach ng boxing team ng Pilipinas na makakakuha ng medalya ang mga atleta sa nagpapatuloy na Paris Olympics.
Sa naging panayam ni Bombo International News Correspondent Dick Villanueva kina Coach Jerson Nietes at Michel Martinez, sinabi nila na buhay pa rin ang pag-asa ng mga atleta pangunahin na ang mga boksingerong sina Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Aira Villegas na makaabot ng finals.
Dumalo ang ilang delegado ng bansa sa isinagawang mass offering na inorganisa ng mga Filipino Community sa Paris France.
Dinaluhan naman ito mismo ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham Bambol Tolentino habang hindi naman nakadalo ang mga atleta dahil sa kasalukuyang training at dahil sa mainit na temperatura na epekto ng heat wave sa nasabing bansa.
Una nang natalo si Eumir Marcial kay Turabek Khabibullaev ng Uzbekistan sa round of 16 ng 80kg division.
Una na ring inamin ng asawa nitong si Princess na may iniindang injury si Marcial sa kanyang ribs at hindi makapag-ensayo ng mabuti dahil dito.
Ayon kay Coach Martinez, maaring hindi talaga para kay Marcial ang Paris Olympics at umaasa silang magkakaroon ng bounce back ang boksingero para muling ibandera ang watawat ng Pilipinas.
Nitong madaling araw lamang ay panalo naman si Pinay boxer Aira Villegas laban sa kalaban nitong No. 2 seeded na Algerian.
Nakuha ng Pinay boxer ang unanimous decision win laban kay Romaysa Boulam ng Algeria.
Ayon kay Coach Martinez malaki ag tiwala nila sa mga atleta ng bansa sa boksing batay sa kanilang ipinapakita sa kanilang bawat division kaya optimistiko silang makapag-uwi ng medalya para sa Pilipinas.