CAUAYAN CITY – Nakatakdang magpalikas ang Local Disaster Risk Reduction and Management Office ng Palanan, Isabela sa mga residente pangunahin na ang mga nasa coastal barangay ng naturang bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Local Disaster Risk Reduction and Management Assistant John Bert Neri, sinabi niya na hindi na nila aantayin pa na lumapit sa kanilang bayan ang bagyo bago sila magpa-evacuate.
Sa ngayon ay wala pa naman silang isinasailalim sa preemptive evacuation ngunit ipinaubaya na nila sa mga Punong Barangay ang paglikas sa mga residente kung kinakailangan.
Posible namang ma-isolate ang apat na barangay sa Palanan kung magpapatuloy ang pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilog.
Kasalukuyan pa lamang kasi ang konstruksyon ng tulay sa ilog na bahagi ng Brgy. Dimatican kaya hindi makatawid ang mga residente.
Sa ngayon ay nasa normal level pa lang naman ang antas ng mga ilog sa lugar ngunit mahigpit na nilang ipinapatupad ang no sail policy maging ang pagtawid sa mga ilog gamit ang bangka.
Tiniyak naman niya na nakahanda ang kanilang hanay sa posibleng maging epekto ng bagyong enteng sa kanilang lugar.