CAUAYAN CITY – Walang naitalang nasaktan at napinsala sa naganap limang magkasunod na lindol kaninang umaga sa coastal town ng Palanan, Isabela.
Sa talaan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), unang naramdaman ang 3.9 magnitude na lindol kaninang 8:24am na sinundan ng 4.4 magnitude dakong 8:28am.
Naramdaman ang panibagong pagyanig na naitala sa 2.7 magnitude kaninang 8:32am; 2.4 magnitude kaninang 8:54am at ikalima ang 3.4 magnitude dakong 9:08am.
Naitala ang pagyanig sa layong 31 kilometro sa southeast ng Palanan.
May lalim na 16 na kilometro ang lindol at tectonic ang origin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni acting Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMO) Basilio Dumlao na agad silang nakipag-ugnayan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Palanan matapos na malaman ang naganap na pagyanig.
Wala aniyang nasaktan sa pagyanig ngunit pinayuhan nila ang mga mamamayan sa lugar na maging alerto.
Inabisuhan din nila ang mga mangingisda na huwag pumalaot sa dagat dahil sa umiiral na gale warning.












