--Ads--

Tuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kahit na ito ay nakatakda sa mismong Araw ng mga Kaluluwa o All Souls Day, ayon kay Comelec Chairman Erwin George Garcia.

Sinabi ni Garcia na ang iskedyul ng Nobyembre 2 ay nakasalalay sa desisyon ng Kongreso. Ayon sa kanya, dahil bahagi ito ng long weekend, magkakaroon ng pagkakataon ang mga botante na makauwi sa kanilang mga probinsya at makaboto.

Idinagdag ni Garcia na natapos na ang pag-imprenta ng mga balota at kasalukuyan nang isinasagawa ang beripikasyon ng Comelec. Mahigit 95 milyong balota ang naka-print, kabilang ang 70 milyong balota para sa regular na botante at 25 milyong balota para sa Sangguniang Kabataan.

Dagdag pa ni Garcia, halos kumpleto na ang mga pangangailangan para sa halalan. Kasunod nito, magsasagawa ng pagsasanay para sa mga guro na magsisilbi sa araw ng botohan, at ang paghahain ng certificates of candidacy ay nakatakda sa Setyembre.

--Ads--

Ayon pa kay Garcia, mas maayos ang kanilang paghahanda sa halalan matapos ang pag-reset ng iskedyul, ngunit umaasa silang hindi na ito ma-reset pang muli. Isa rin aniya itong mahalagang pagkakataon para sa publiko na suriin kung ang kanilang mga pinuno ay karapat-dapat pa ring makatanggap ng kanilang mga boto.