
CAUAYAN CITY – Inihayag ng COMELEC Cauayan City na excellent ang kanilang overall assessment sa naganap na botohan noong Lunes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Anthony Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC Region 2 at Acting Election Officer ng Cauayan City na hindi good o very good ang kanyang assessment sa botohan kundi excellent.
Ito ay dahil maayos ang botohan sa iba’t ibang mga polling precinct maliban na lamang sa Vote Counting Machines (VCM) na nasira.
Maliban sa dalawang nasira noong final testing and sealing ay may nasirang VCM ginamit sa barangay Nagrumbuan at Cauayan South Central School sa araw mismo ng halalan na nagawan kaagad ng paraan.
Idinagdag pa ni Atty. Cortez na maging sa security ay wala rin siyang masabi dahil talagang nakaalerto ang mga pulis.
Ligtas din lahat ang mga nagsilbi sa halalan maging ang mga election paraphernalia.










