CAUAYAN CITY – Hindi na papayagan ang maramihang papasok sa tanggapan ng Comelec dito sa lunsod para sa filing ng Certificate of Candidacy o COC ng mga kakandidato para sa halalan sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Atty. Jerby Cortez ang Assistant Regional Director ng COMELEC Region 2 sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan.
Aniya dalawa na lamang ang papayagang pumasok sa kanilang tanggapan at isa na rito ang mismong kandidato at isang kasama nito.
Kailangan ding mayroong antigen result ang mga ito upang matiyak na hindi sila carrier ng virus.
Ayon kay Atty. Cortez maliit lamang ang kanilang opisina kaya hindi kakayanin kung magdadagsaan ang napakaraming taong papasok lalo na at kinukusidera parin ang kaligtasan ng lahat sa Covid 19.
Pinayuhan naman niya ang mga kakandidato na agahan na ang pagtungo sa tanggapan ng Comelec upang hindi na makipagsiksikan pa sa opisina.
Nakatakdang matapos ang pagpaparehistro para sa halalan sa ikatatlumpo ng Setyembre 2021.
Upang maasikaso ang mga magtutungo sa tanggapan ay nag extend sila ng oras mula als otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon ay ginawa nang alas otso ng umaga hanggang alas syete ng gabi.
SAMANTALA Iginiit naman ni Atty. Cortez na malabong maipostpone ang halalan gaya ng sinasabi ng ilan dahil kailangan ng constitutional ammendments hindi katulad ng brgy election na maaaring ipagpaliban.
Konstitusyon ang nagtakda sa araw ng halalan na ikalawang lunes ng Mayo kada tatlo o anim na taon.
Aniya maaari lang itong maipagpaliban kung magkaroon ng Charter Change na matagal nang pinag uusapan ngunit hanggang ngayon ay hindi parin naipapatupad o napagkakasunduan ng mga mambabatas.
Umaasa naman si Atty. Cortez na walang mahahawaan ng Covid 19 sa kanilang mga empleyado upang maisagawa ang halalan ng walang aberya.











