--Ads--

Umabot na sa mahigit 2,000 indibidwal ang nakapagparehistro sa Commission on Elections (COMELEC) Cauayan City mula Oktubre hanggang sa kasalukuyan.

Itinuturing na mataas ang bilang na ito dahil sa nagpapatuloy na satellite registration sa iba’t ibang barangay at paaralan sa lungsod, upang mas marami pang residente ang makapagparehistro bago ang takdang deadline sa May 8, 2026.

Ayon kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer ng COMELEC Cauayan, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, 10,000 ang target ng registrants ngayong nagbukas ang voters registration.

Sa ngayon, mahigit 2,000 na ang nakapagparehistro, kabilang ang mga correction, at inaasahan pang dadami sa mga susunod na araw dahil tuloy-tuloy pa rin ang kanilang satellite registration.

--Ads--

Tuloy-tuloy din ang operasyon ng ahensya mula Lunes hanggang Sabado upang mabigyan ng mas malawak na pagkakataon ang publiko, lalo na ang mga estudyanteng hindi agad makapunta sa opisina.

Ngayong Huwebes, ay magsasagawa muli ng satellite registration sa Barangay Alicaocao, kung saan inaasahang mas maraming PWD, senior citizen, at estudyante ang makakapagparehistro.

Nilinaw din ni Atty. Vallejo na walang bayad ang pagpaparehistro at kailangan lamang magdala ng valid ID para sa beripikasyon.

Samantala, inanunsyo rin ng COMELEC na maaari nang magparehistro ang mga kabataang 14 taong gulang pataas, basta ang kanilang kaarawan ay bago o eksaktong sa ika-2 ng Nobyembre.

Maaari silang magdala ng anumang valid ID; ngunit kung wala, puwede silang samahan ng isang kakilala o kamag-anak na rehistradong botante sa kanilang barangay.