--Ads--

Nag abiso na ang Commission on Election (COMELEC) Cauayan sa mga residente sa lungsod na maaari na silang kumuha o mag-apply para sa certificate of authority na nagpapahintulot sa kanila na magdala o bumitbit ng baril sa loob ng election period.

Ito ay batay sa inilabas na COMELEC resolution No. 11067 na ipapatupad ang gun ban o firearms ban simula January 12 hanggang May 11, 2025.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer, inabisuhan niya ang mga residente sa lungsod na noong November 18 pa nagsimula ang pag-apply o pagkuha ng Certificate of Authority.

Tinanggal na ng supreme court sa kategorya ng deadly weapon ang mga bladed weapons tulad ng kutsilyo o itak ngunit naniniwala ang tanggapan na dapat pa rin silang magpaalala dahil marami ang mga residente na may iniingatan o itinatagong antique o lumang baril at air guns.

--Ads--

Hinihikayat pa niya na kumuha ng Certificate of Authority ang mga residenteng nakakatanggap ng banta sa kanilang buhay tulad na lamang ng mga business man, nagtatrabaho sa bangko, media personalities, at iba pa.

Ang pagkuha ng CA ay hindi naman hassle o pahirapan dahil mag-a-apply lamang sa online website ng COMELEC.

Aniya, hangga’t maaari ay nais ng kanilang tanggapan na maging maayos ang May 2025 election at walang mahuhuli sa gun ban dahil sa kakulangan ng impormasyon.

Ang sino namang mahuli na may bitbit na baril ay mahaharap sa isa hanggang anim na taong pagkakakulong na hindi maaaring bigyan ng probation.