CAUAYAN CITY – Pinaalalahanan ng Commision on Election Cauayan City ang mga magsusumite ng Certificate of Candidacy na tiyaking kumpleto ang kanilang mga dokumento bago magtungo sa kanilang tanggapan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer ng Cauayan, sinabi niya na kadalasang nagpapatagal sa proseso ng pag-file ng COC ay ang kawalan ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) partikular sa mga may kinabibilangang political party o coalition.
Nilinaw niya na hindi nila tatanggapin ang COC ng mga nangnanais ang kumandidato kung wala silang CONA na notarized at pirmado ng kinabibilangan nilang partido.
Aniya, tatanggapin nila ang lahat ng isusumiteng COC basta’t kumpleto ng kaukulang dokumento at Law Department na ang bubusisi sa mga isinumite ng mga nagnanais tumakbo sa halalan.
Ilang araw pa lamang bago ang pagsisimula ng filing ng COC ngayong araw ay marami na ang humingi ng form na karamihan ay mga representatives ng mga aspiring candidates.
Bukas naman ang tanggapan ng Comelec Cauayan City hanggang Sabado kaya’t pinayuhan niya ang mga nagnanais tumakbo ng halalan na magtungo kaagad sa kanilang tanggapan at huwag nang antayin pa na ang huling araw ng filing ng COC.