Umabot na sa 5,586 na voters account ang idineklarang deactivated habang limang applications naman ang hindi inaprubahan sa Lungsod ng Cauayan, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Valejo, City Election Officer ng COMELEC Cauayan, ang pangunahing dahilan ng pagkaka-deactivate ng mga nasabing voters account ay ang dalawang magkasunod na beses na hindi nakaboto ang mga rehistradong botante sa mga nagdaang halalan.
Aniya, alinsunod ito sa umiiral na patakaran ng COMELEC na kung saan awtomatikong nade-deactivate ang rehistro ng botanteng hindi nakaboto sa dalawang sunod na election.
Samantala, ang limang aplikasyon naman ay hindi na rehistro dahil ito ay may kaugnayan sa paggamit ng ibang pangalan, o hindi tugma ang mga personal na detalye na isinusumite sa proseso ng rehistrasyon.
Dahil dito, nagbabala ang COMELEC sa mga botante na tiyaking tama, kumpleto at pare-pareho ang impormasyong kanilang ginagamit sa lahat ng opisyal na dokumento.
Paalala ng COMELEC sa mga botanteng may deactivated na rehistro, ay maaari pang magpa-reactivate, sa pamamagitan ng personal na pagpunta sa tanggapan ng COMELEC at pagsunod sa itinakdang proseso sa panahon ng voters registration.
Hinikayat din ang publiko na maging responsible sa kanilang karapatang bumoto upang hindi mawalan ng bisa ang kanilang rehistro sa susunod na halalan.











