--Ads--

‎Pinaigting ng Commission on Elections (COMELEC) sa Lungsod ng Cauayan ang isinasagawang satellite registration bilang paghahanda sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections, upang mas mapalapit sa mamamayan ang serbisyo ng ahensya, lalo na sa mga residente ng malalayong barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer, sinabi nitong tuloy-tuloy ang isinasagawang satellite registration sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang mabigyan ng mas maginhawang paraan ang mga botanteng nagnanais na magparehistro. Binigyang-diin niya na layunin ng programang ito na ilapit ang serbisyo ng COMELEC sa komunidad at hikayatin ang mas marami pang kwalipikadong mamamayan na makilahok sa halalan.

‎Dagdag pa ni Atty. Vallejo na para sa mga hindi makakadalo sa mga itinakdang satellite registration sa kanilang barangay, maaari pa ring magtungo sa tanggapan ng COMELEC Cauayan City upang magparehistro. Bukas ang kanilang opisina mula Lunes hanggang Sabado upang tumanggap ng mga aplikasyon para sa voter registration.

‎Hinikayat din ng opisyal ang publiko na samantalahin ang patuloy na registration lalo na ngayong papalapit na ang Barangay at SK elections, bilang mahalagang hakbang upang magamit ang karapatang bumoto at makibahagi sa pagpili ng mga susunod na lider ng komunidad.

--Ads--

‎Batay sa tala ng COMELEC Cauayan City, ang satellite registration ay magtatagal hanggang ika-18 ng Mayo 2026. Sa kasalukuyan, mahigit dalawampung barangay na ang napuntahan ng kanilang hanay mula sa kabuuang animnapu’t limang barangay sa lungsod.

‎Patuloy naman ang panawagan ng COMELEC sa lahat ng kwalipikadong mamamayan na magparehistro sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang dagsa ng aplikante habang papalapit ang takdang deadline ng voter registration.