Patuloy ang paghahanda ng Commision on Elections o Comelec Cauayan City para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections o BSKE na maaring isagawa sa buwan ng Disyembre ngayong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, Election Officer ng Comelec Cauayan City sinabi niya na sa kabila ng mga kumakalat na impormasyon kaugnay sa postponement ng BSKE sa susunod na taon ay magpapatuloy sila sa paghahanda para sa eleksyon.
Hinihintay naman nila ang magiging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung pipirmahan o ibi-veto ang panukalang batas.
Sa ilalim ng niratipikahang panukala bago magsara ang 19th Congress ay ipinatatakda sa unang Lunes ng Nobyembre 2026 ang BSKE.
Ang voter registration para sa BSKE ay gaganapin sana mula July 1-11 ngunit inilipat ng Comelec sa October 2025 hanggang July 2026.
Tatagal ng sampung araw ang pagpaparehistro at sapat anila ang apat hanggang limang buwan para sa pagpo-proseso ng bagong rehistradong botante.
Muli naman niyang ipinaalala sa publiko na hindi na tatanggappin ang barangay certificates bilang proof of residency para sa mga nais magparehistro o magpa-update ng voter information.
Sa halip, hinihikayat niya ang publiko na mag-sumite ng kanilang valid IDs gaya ng Postal ID, Senior Citizen ID, o Student ID.
Inanyayahan din niya ang mga botante na nais kumuha ng voter’s certification na magtungo lamang sa kanilang tanggapan dahil bukas sila mula lunes hanggang byernes sa oras na alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.











