--Ads--

CAUAYAN CITY – Nilinaw ng pamunuan ng COMELEC Isabela na maituturing na unlawful o illegal campaign materials ang kanilang tinatanggal sa isinagawang simultaneous Operation Baklas.

Ipinaliwanag ni Atty. Michael Camangeg, Provincial Election Supervisor ng COMELEC Isabela na ang isinasagawa nilang simultaneous Operation Baklas sa lalawigan ay bilang pagpapatupad sa Comelec Resolution 10730 na ang batayan ay ang Republic Act 9006 (fair election act).

Inihayag ni Atty. Camangeg sa isinagawang briefing ng Oplan Baklas na limitado lamang ang kanilang manpower na nagsasagawa ng operation baklas kaya nagpapasalamat sila sa malaking tulong ng  DENR Region 2 sa kanilang operation Baklas.

Sa pamamagitan ng tulong ng DENR ay maari na silang lingguhang magsagawa ng operation Baklas sa Isabela upang matanggal ang mga Campaign materials ng mga kandidato na hindi nakalagay sa mga common poster areas.

--Ads--

May karapatan ang COMELEC at ang mga na-deputized ng Lupon tulad ng DENR na tanggalin ang mga tinatawag na unlawful o illegal election materials.

Matatawag anyang unlawful o illegal election materials kapag nasa public place tulad ng National Highway ngunit maaring maglagay ng tinatawag na Common Poster Areas na tutukuyin ng COMELEC.

Maituturing na oversized ang election materials kapag somobra sa 2 by 3 feet ang sukat.

Bawal din ang pagkakabit ng mga posters ng mga kandidato sa mga puno na kanilang inaalis.

Pinaalalahanan ni Atty. Camangeg ang mga nagsasagawa ng operation Baklas na huwag kalimutang idokomento ang gagawing pagbaklas dahil maraming politiko at supporters ang  nagrereklamo.

Kailangan ding magdala ng Comelec Resolution Authority ang mga magbabaklas para sakaling may magkuwestiyon sa kanilang otoridad sa pagbaklas ay mayroon silang maipakita.

Sa ngayon ay hindi muna sila magbabaklas sa mga campaign materials na nasa private propery matapos maglabas ng TRO ang Korte Suprema.