Isasagawa ang Satellite Registration para sa Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Lungsod ng Cauayan, ayon sa abiso ng Commission on Elections (COMELEC), bilang paghahanda sa darating na halalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Election Officer Atty. Johanna Vallejo, sinabi niya na layunin ng aktibidad na mabigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong PDL na makapagparehistro bilang botante o makapag-update ng kanilang rekord, alinsunod sa itinatakda ng batas.
Isasagawa ang satellite registration sa buwan ng Marso sa itinakdang pasilidad ng BJMP Cauayan, katuwang ang mga lokal na opisyal at pamunuan ng detention center.
Kasabay nito, nagpaalala ang COMELEC sa mga indibidwal na nagbabalak tumakbo sa nalalapit na eleksyon na tiyaking sumusunod sila sa mga itinakdang patakaran, partikular sa mga requirements sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) at sa mga alituntunin laban sa maagang pangangampanya.
Hinimok ng COMELEC ang publiko na manatiling updated sa mga opisyal na anunsyo at iskedyul ng voter registration upang hindi mawalan ng pagkakataong makilahok sa demokratikong proseso.











