Binigyang diin ng Commission on Elections o COMELEC Naguilian ang karapatan ng bawat isa na bumoto.
Ito ay kasunod ng kontrobersyal na video ng dalawang Barangay Kagawad ng Quirino, Naguilian Isabela na nangharass ng isang botante dahil sa pagsuporta nito sa ibang partido.
Una nang nagkasa ang COMELEC ng pagpupulong kung saan ipinatawag ang mga Punong Barangay sa buong Bayan ng Naguilian.
Layunin nito na ipaalala ang mga nararapat na tungkulin nila ngayong halalan partikular ang mandato ng elective officials sa pangangampanya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Election Officer Atty. Myrtle Marayag, sinabi niya na malinaw sa Saligang Batas na hindi maaaring pakialaman ng sinuman o tanggalan ng karapatan ang isang botante na iboto kung sino ang gusto niyang iboto.
Binigyang diin niya na maging mga Barangay Officials ay walang karapatang diktahan ang sinumang botante na mamili maliban na lamang kung may mabigat na rason.
Una na ring inihayag ng COMELEC na gumugulong na ang imbestigasyon at binigyan ng tatlong araw ng magkabilang panig para sumagot o magpaliwanag bago ang clarificatory hearing sa Lunes April 14.