Nilinaw ng Comelec Isabela na walang nasira sa mga consolidation and canvassing system na nasa storage room sa San Agustin Isabela na unang napaulat na nabuksan o pinasok ng ilang indibidwal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Manuel Castillo, Election Supervisor ng Comelec Isabela sinabi niya na walang kahit anong nasira sa mga election paraphernalia.
Sa isinagawang public viewing ni Provincial Election Supervisor Atty. Manuel Castillo ipinakita niya na maayos ang laman ng box at hindi nagalaw.
Aniya ipapakita rin sa publiko ang laman ng box sa mismong araw ng halalan para masiguro ang transparency at kung sakaling may makitang depekto ay maari itong mapalitan bago gamitin.
Upang maiwasan ang agam-agam ng publiko ay mas hinigpitan ang pagbabantay bago ito gamitin bukas sa halalan.
Samantala handa umano ang San Agustin Police Station na patawan ng kaukulang parusa ang sinomang sangkot sa insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Felix Lelina ang Hepe ng San Agustin Police Station sinabi niya na noong ika-8 ng Mayo nang matanggap nila ang ulat mula sa Officer on Duty sa gusali na kinaroroonan ng CCS Storage.
Batay sa ulat nadatnan ng Officer on Duty na nakabukas ang pintuan ng nasabing storage room.
Matapos matanggap ang ulat ay agad na nagtungo si Pmaj. Lelina sa lugar para magsagawa ng imbestigasyon.
Lumalabas na ang mga construction worker na maglalagay ng air conditioner ang nagbukas ng storage room ngunit hindi nila ito ipinaalam sa naka duty na pulis lalo na at sa mga oras na iyon ay nagsasagawa siya ng roving.
Ito ang dahilan para magulat ang pulis ng madatnan na bukas ang storage room at agad na iniulat ang insidente.
Bagamat may napansin na punit sa papel ng isa sa mga storage box ay nanatiling intact ang seal nito at walang anumang indikasyon na may kinuha o nawala sa loob.











