--Ads--

Pinaalalahanan ng Comelec Region 2 ang mga kompanyang nagmamay-ari ng mga armored cars na ginagamit sa pagbiyahe ng mga perang inilalagay sa mga ATM Machines na kumuha na ng Certificate of Gun Ban Exemption para sa kanilang mga security personnel na nagbibiyahe nito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng Comelec Region 2 sinabi niya na nananatiling maayos ang sitwasyon sa mga nakatalagang Comelec checkpoint sa rehiyon.

Una nang napaulat ang pagkahuli sa tatlong security personnel dahil sa paglabag sa Election Gun Ban matapos makita ang dalawang shotgun sa loob ng kanilang sasakyan sa Comelec Checkpoint sa Jones, Isabela.

Ang mga pinaghihinalaan ay security personnel na nagre-refill ng mga pera sa mga ATM Machines sa iba’t ibang lugar sa Rehiyon.

--Ads--

Ayon kay Atty. Cortez, dapat nang isecure ng mga kompanyang may katulad na trabaho ang kanilang Certificate of Gun Ban Exemption upang maiwasan ang pagkahuli ng kanilang empleyado sa mga checkpoint.

Mahigpit aniya ang pagpapatupad ng Comelec sa Gun Ban kaya hindi makakalusot ang mga security personnel na walang dalang certificate of authority sa pagdadala ng baril.

Kahit ang mga roving lamang na security personnel sa mga establisimento ay kailangang mayroon din nito dahil sila ay nasa pampublikong lugar.

Maliban dito ay wala nang naitala pang kahalintulad na kaso ang Comelec sa iba pang lugar sa rehiyon kaya maituturing na mapayapa ang pagsisimula ng election period sa Region 2.