--Ads--

Hinikayat ng Commission on Elections (Comelec) region 2 ang publiko na ituloy ang pagpaparehistro mula August 1 hanggang Septembre 30, 2019.

Ito ay kahit na hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipagpaliban ang May 2020 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ipinaliwanag ni Atty Jerby Cortez, assistant regional director ng Comelec region 2 na mainam na nakarehistro na ang mga mamamayan lalo na ang mga kabataang first time voters.

Iginiit niya na maipagpaliban man o hindi ang halalan ay nakahanda ang tanggapan ng Comelec para sa mga magpaparehistro.

--Ads--

Inihayag pa ni Atty. Cortez na nakahanda sila na tumugon sa mandato ng pamahalaan kung babaguhin ang petsa ng halalan ngunit nais niya na mabigyan sila ng sapat na panahon sakaling magsabay ang Barangay at Sangguniang Kabataan at national elections.

Ang tinig ni Atty. Jerby Cortez

Una na ring ipinanukala ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na ipagpaliban ang elections na gaganapin sa ikalabing-isa ng Mayo, 2020.

Sa House bill 905 ni Pimentel, nais niya na ilipat sa ikalabing-isa ng Oktubre, 2021 ang eleksyon para bigyan ng pagkakataon ang Comelec na makapaghanda.

Nakasaad din sa panukala ni Pimentel na mananatili sa puwesto ang nasa 670,000 na barangay at SK officials hanggang mahalal ang mga papalit sa kanila.