Kasabay ng pagsisimula ng local campaign period ay magsasagawa ang Commission on Elections o Comelec ng pagbabaklas sa mga illegal campaign materials.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng Comelec Region 2 sinabi niya na ngayong alas sais ng umaga ay may mga idedeploy nang magbabaklas.
Maraming mga poster at plakards sa lansangan na bagamat walang nakalagay na “Vote for” at may mga mukha ng mga kandidato.
Ayon kay Atty. Cortez maituturing na itong campaign material dahil may nakalagay na pagmumukha ng isang pulitiko kahit pa walang paghihikayat na siya ay iboto.
Muli rin niyang ipinaalala ang tamang size ng mga campaign materials na ilalagay sa mga common poster areas.
Aniya hindi dapat lumagpas ang size sa 2 by 3 ang size at kapag mas malaki pa rito ang poster ay ipinagbabawal nang ilagay sa mga common poster areas.
Sa ngayon ay nabigyan na nila ng notices ang mga lokal na kandidato na may mga nakalagay na illegal posters at kapag hindi pa rin nila natanggal ngayon ang mga ito ay Comelec na ang magtatanggal o muli silang papadalhan ng notice kung saan sa loob ng 72 oras at kailangan nila itong tanggalin.
Pinaalalahanan din niya ang mga nag-iikot na may sound system at pinapatugtog ang mga jingle ng kandidato na maging mapanuri sa paligid at iwasang mag-ingay sa mga ipinagbabawal na lugar gaya ng mga eskwelahan, simabahan at iba pang mga lugar.