CAUAYAN CITY – Muling pinaalalahanan ng Comelec Region 2 ang mga kandidato at botante na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibigay at pagtanggap ng kahit anong bagay na may halaga ngayong Barangay at Sangguniang Kabataan Election.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng Comelec Region 2, sinabi niya na ipinagbabawal ang pamimigay ng mga kandidato ng pera o kahit anong bagay na may halaga sa mga botante.
Nagbabala rin siya sa mga magsasagawa ng pre-mature campaigning na mahigpit na ipinagbabawal sa mga panahong ito.
Aniya, itinakda sa October 19-28 ang pangangampanya ng mga kandidato sa barangay at SK.
Labag sa batas ang kahit anong klaseng pangangampanya sa ngayon personal man o gamit ang social media.
Aniya, kahit meryenda o candy man ang ibinigay ng isang kandidato ay maikukunsidera nang vote buying.
Matagal na aniya itong naisabatas ngunit hindi lamang naipapatupad ng maayos kaya tila napagbibigyan ang mga kandidato.
Mula nang maging automated na ang eleksyon ay nawala na rin ang iba pang klase ng dayaan at tanging nakikita nilang pandaraya ngayon ay ang pamimili ng boto ng mga kandidato.
Pinaalalahanan din ni Atty. Cortez ang mga botante na maging sila ay makakasuhan kapag napatunayang tumanggap o nagbenta ng boto.
Ipinagbabawal din ang pamimigay ng damit na may mukha ng kandidato at kung ito ay sumobra sa P5,000 ay maituturing nang overspending.
Tinig ni Atty. Jerbee Cortez.