CAUAYAN CITY- Pangunahing tututukan ng Commission on Election (Comelec) Region 2 ang vote buying sa pagsisimula ng local campaign period sa Marso 28.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauyan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng Comelec Region 2, sinabi niya na nakatakda nilang i-launch ang ‘Kontra Bigay’ na layuning bantayan ang mga kandidatong namimili ng boto.
Nilinaw naman niya na hindi pwedeng mangampanya ang mga Government appointees maging ang mga uniformed personnel ng mga kandidato na kanilang susuportahan sa halalan.
Pwede namang mangampanya ang mga government elected officials gaya ng mga Barangay Chairman maliban na lamang sa mga Barangay Secretary at Treasurer dahil sila ay appointed.
Samantala, dahil malapit nang magsimula ang local campaign period sa araw ng Biyernes ay nanawagan siya sa mga local aspirant na tanggalin na ang kanilang mga campaign materials na nakalagay sa mga hindi common poster areas.
Kung matatandaan ay nakatakdang magsagawa ng Operation Baklas ang Comelec sa unang araw ng pangangampanya ng mga lokal na kandidato.
Hindi pa man kasi nagsisimula ang kampanya para sa mga lokal na klandidato ay marami na silang nakikita na mga campaign materials na wala sa tamang lugar.
Nagbigay na umano sila ng mga notice sa mga aspirant na mayroon nang mga poster na nakapaskil sa mga hindi awtorisadong lugar ngunit kapag sumapit na ang Marso 28 at hindi pa rin natatangal ang mga ito ay sila na ang magbabaklas.
Maliban sa pagbabaklas ay pwede rin nilang sulatan ang mga kandidato kung saan bibigyan ang mga ito ng 72 hours para tanggalin ang kanilang mga campaign material.
Kung hindi nakasunod ay kakasuhan ng Comelec ang mga lumabag na kandidato.