
CAUAYAN CITY – Inamin ng COMELEC Santiago City na naghahabol sila ngayon dahil sa nalalapit na pagsasara ng voters registration sa darating na buwan ng disyembre.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jenny Mae Gutierrez, Election Officer 4 ng COMELEC Santiago sinabi niya na naging work from home ang set up ng kanilang mga kawani mula nang maisailalim sa MECQ ang lunsod.
Kaya ngayong naibaba na ang quarantine status ng lunsod ay naghahabol na sila upang lahat ng mga botante ay makapagparehistro para sa nalalapit na halalan sa susunod na taon.
Puspusan ngayon ang kanilang pakikipag ugnayan sa publiko na magpatala na sa kanilang tanggapan upang makaboto sa halalan.
Hinimok naman ni Atty. Gutierrez ang mga opisyal ng brgy na tingnan kung may mga kabarangay silang hindi pa nakakapagpatala sa Comelec.
Maaari aniyang magtungo sa tanggapan ng Comelec ang mga magpaparehistro o hintayin ang Brgy. satellite registration na magtutungo sa kanilang lugar.
Aniya mataas naman ang bilang ng mga nagpaparehistro sa bawat araw kaya bilang pag iingat ay naglatag na sila ng receiving area at nagpatupad na rin ng mga minimum health protocols upang makaiwas sa virus na Covid 19.
Pinaalalahanan din niya ang mga magtutungo sa kanilang tanggapan na magdala na ng sariling panulat o ballpen upang hindi maabala.










