Tinawag na balat sibuyas ang Commission on Election o COMELEC sa ginagawa nitong pagsasampa ng kaso laban sa mga indibiduwal o kandidatong kumikwestyon sa kredibilidad ng halalan sa buwan ng Mayo gamit ang mga makabagong Automated Counting Machines o ACM.
sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kontra Daya Convenor Danilo Arao na hindi na bago ang ganitong hakbang ng COMELEC dahil una narin nilang diniskwalipika ang isa pang Congressional candidate dahil din umano sa mga komento nito laban sa komisyon at pagkwestiyon sa kontrata ng MIRU system na siyang mangangasiwa sa halalan sa Mayo.
Matatandaan na kahapon isinampa ang reklamong paglabag sa Article 154 of the Revised Penal Code o cybercrime laban kay Vice Mayoralty candiate Atty. Jeryll Harold Respicio, dahil sa pagpapakalat di umano ng mga maling impormasyon kaugnay sa halalan sa Mayo.
Kinondena ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia ang mga pahayag ni Atty. Respicio bilang “misleading”, at sinabi niyang ipinapaniwala nila ang publiko na maaaring manipulahin ang mga resulta ng halalan.
Matatandaan sa kanyang mga video, inilahad ni Atty. Respicio na mayroong isang backdoor program na maaaring mag-overwrite sa Automated Counting Machines (ACM) at ipinakita pa kung paano ito gagawin.
Binanggit ni Garcia na ang mga pahayag ni Respicio ay hindi lamang atake sa Comelec, kundi sumisira rin sa buong proseso ng halalan at sa integridad nito.
Ayon kay Prof. Arao na sa halip na gawin ito ng COMELEC bakit hindi na lamang linawin kung ano man ang nais na klaruhin sa automated elections sa Mayo, dahil ang ginagawang ito ng COMELEC ay mas nagpapataas lamang sa pagdududa o agam-agam ng Publiko.