Muling umapela si Comelec Chairman George Erwin Garcia na biwagin na ang private armed groups (PAGs) bago ang 2025 national at local elections.
Hinimok din ni Garcia ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) para i-neutralize ang mga grupong ito, na ginagamit umano ng ilang indibidwal para takutin, i-terrorize, at ibagsak ang desisyon ng publiko sa halalan.
Binigyang-diin ni Garcia ang kahalagahan ng pagtanggal sa mga grupong ito upang matiyak ang mapayapa at kapani-paniwala ang halalan.
Sinabi ni Garcia na hindi mapapanatili ang katahimikan at maayos na halalan kung mayroong private armies na nagagamit ng iilan para ipanakot, i-terrorize, at baliktarin ang desisyon at mandato ng sambayanan.
Ang panawagan ni Garcia ay kasunod ng pananambang sa sasakyan ni Sulu Provincial Election Supervisor Julie Vidzfar sa Zamboanga City noong Sabado.
Noong Oktubre, binigyang-diin ni Garcia na lahat ng pribadong armed groups ay kailangang ma-neutralize bago ang 2025 election upang mapangalagaan ang integridad ng botohan.
Ang senatorial at party-list campaign period ay mula February 11 hanggang March 10, 2025.
Ang campaign period naman ng House of Representatives at local positions ay mula March 28 hanggang May 10, 2025.
Ang araw ng halalan ay sa May 12, ngunit ang mga botante sa ibang bansa ay maaaring bumoto sa April 13, habang ang mga local absentee voters ay maaaring bumoto mula April 28 hanggang 30.
Bukod pa rito, magaganap din ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections sa 2025.