CAUAYAN CITY – Nakatakda nang lumipat ng National Headquarters ng Philippine Air Force ang Commander ng Tactical Operations Group o TOG 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Col. Augusto Padua, ang Commander ng TOG 2 PAF, sinabi niya epektibo ngayong araw ang kanyang bagong assignment sa National Headquarters ng PAF at gaganapin ang turnover of command ng TOG 2 sa Clark Airbase Tactical Operations Wing Northern Luzon sa biyernes, ikalabingsiyam ng Pebrero.
Dahil siya ay lilipat na sa mas mataas na tanggapan ay sila na ang susuporta sa tactical operations group sa buong bansa.
Magiging Executive Officer si Col. Padua ng Office of the Assistant Chief of Air Staff for Operations ng Philippine Air Force.
Aniya nakakalungkot man na lilisanin na niya ang TOG 2 ay kailangan niya itong gawin upang ipagpatuloy ang pagserbisyo sa bayan.
Marami ang mga nagampanan ng TOG 2 na pinamunuan ni Col. Padua, lalo na ngayong pandemya at kanyang kinilala ang naging malaking bahagi ng Bombo Radyo Cauayan sa TOG 2 PAF.
Aniya ang Bombo Radyo Cauayan na kanilang inirekomenda bilang stakeholder ng TOG 2 ay naging stakeholder of the Year din ng Philippine Air Force.
Ilan sa mga accomplishment ng TOG 2 sa pamumuno ni Col. Padua ang pagkapili ng pamunuan bilang TOG of the Year noong buwan ng Hulyo.
Noong unang araw ng Pebrero ay nakuha rin ng TOG 2 ang AFP Battle Streamer Award.
Ayon kay Col. Padua ang mga nasabing matataas na karangalan ay nakamit ng TOG 2 dahil sa pagtutulungan ng mga stakeholders at mga kasapi nito.
Asahan namang magpapatuloy ang mga programang nasimulan ng TOG 2 kahit mag-iiba na ang pamunuan lalo na ang kanilang Civil Military Projects tulad ng UP UP Isabela na magkakaroon ng labing limang episode.
Inaasahan ding maisasagawa ang kanilang Campus Peace and Development Forum sakaling maging maganda na ang sitwasyon ng Covid 19 at magbalik na sa paaralan ang mga estudyante.
Nasa siyam na ang napuntahang eskwelahan ng TOG 2 bago pa man magkaroon ng pandemic at natigil ito dahil sa lockdown.
Ipagpapatuloy din ang Peace and Management Forum ng TOG 2 sa labor sectors kung saan apat na ang kanilang natapos.
Ipagpapatuloy din ang kanilang programang ALPAS sa COVID 19 katuwang ang Kagawaran ng Pagsasaka kung saan sila ay namamahagi ng Seedlings at mga kaalaman sa mushroom production.
Dagdag pa ni Col. Padua, ang kanilang leaflets dropping ay magpapatuloy hanggat mayroong mga makakaliwang grupo sa mga kabundukan.
Aniya naging mabisa ang hakbang na ito ng pamunuan dahil marami na ang sumukong rebelde at walang dumanak na dugo sa pagitan ng magkabilang panig.