Muling nagsagawa ng ikalawang committee hearing ang Konseho ng Bayan ng Reina Mercedes upang talakayin ang mga usapin tungkol sa flood control project sa kanilang lugar.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay naging mainit ang diskusyon hinggil sa nasabing proyekto matapos dumalo ang mga kinatawan mula sa DPWH at mga contractor.
Sa araw na ito, ang Planning Section ng Public Works and Highways District 2 ang inaasahang haharap sa konseho upang sagutin ang mga katanungan kaugnay ng flood control project.
Ayon kay Vice Mayor Harold Respicio, mahalagang matutukan at mapag-usapan ang proyektong ito upang malaman kung ano na ang tunay na kalagayan at kinahinatnan ng mga ito.
Samantala, naniniwala rin ang bise alkalde na hindi sasapat ang mga flood control project lalo pa sa estilo ng pagkakagawa ng bawat proyekto.
Aniya, kaunting tubig lang na makalusot sa mga flood control project ay talagang masisira ito.
Liban na lamang aniya kung ang gagawin ay malakihang proyekto na tulad sa Estados Unidos na malalaking mga flood control project ang inilalagay.











