CAUAYAN CITY- Naglabas na ng listahan ang Comission on Election (Comelec) Cauayan sa mga Common Poster Areas na itinalaga sa lungsod.
Batay sa inilabas na abiso ng Comelec, ang mga poster ng mga kandidato sa National Election ay pahihintulutan nang magsabit ng kanilang campaign materials sa February 11-hanggang May 10, 2025 alinsunod yan sa kanilang campaign period.
Habang ang mga kandidato naman sa local election ay pahihintulutan lamang na maglagay ng kanilang campaign materials sa March 28-May 10, alinsunod naman sa kanilang campaign period.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer ng Comelec Cauayan, sinabi niya na limitado lamang ang lugar kung saan pwedeng magpaskil ng mga campaign materials.
Sa Brgy Cabaruan, maaaring magpaskil o magsabit sa Old Luna Park, harap ng Brgy. Center, at sa bahagi ng pamilihan.
Sa District 1 naman ay sa Rizal Park at Brgy. Center habang sa Minante 1 ay sa harap ng NIA building at Brgy. Center.
Ang nakatalagang lugar naman sa San Fermin ay sa bakanteng lote papuntang airport, harap ng brgy. Center, at sa bahagi ng pribadong pamilihan.
Habang ang mga hindi nabanggit na barangay ay pahihintulutan lamang na magsabit sa harap ng kanilang brgy. Center.
Ayon pa kay Atty. Vallejo, magiging mahigpit ang kanilang ahensya sa pagbabantay sa mga hindi itinalagang common poster areas.
Ipinagbabawal ang pagsasabit o paglalagay ng mga campaign materials sa mga pribadong ari-arian at sa mga pampublikong lugar tulad na lamang ng mga poste ng kuryente, LCD monitors, government vehicle, waiting shed, bangketa, kawad ng kuryente, signage, overpass, Eskwelahan, barangay hall, airport, at iba pa.
Magsasagawa rin ang kanilang hanay ng tatlong beses na pagbisita sa mga lugar at alinmang campaign material na makita sa hindi itinalagang common poster areas ay tatanggalin at ibabasura .
Makakasama rin aniya sa operation bagkas ang, BFP, PNP, at DILG, upang tanggalin ang mga posters. Makakatuwang pa aniya ang DENR upang tiyakin na walang nakapaskil sa mga puno ng kahoy.