--Ads--

Nabawi ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa pamumuno ni PBGen Hansel M. Marantan ang isang Toyota Hi Ace Commuter Van na may plakang NIU 2101 sa isinagawang anti-carnapping operation dakong 12:20 ng tanghali, Marso 2, 2026 sa Don Domingo Maddela, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ang operasyon ay bunga ng reklamo ng isang babae mula sa Quezon Province na humingi ng tulong sa Nueva Vizcaya Provincial Highway Patrol Team (NVPHPT) matapos hindi maibalik ng isang lalaki ang kanyang sasakyan na inako nito. Base sa talaan, nakapaloob ang insidente sa NVPHPT Blotter Entry No. 2026-02-00013 at suportado ng naunang reklamo sa RHPU4A noong Nobyembre 7, 2025.

Ayon sa nagrereklamo, nabigo ang suspek na bayaran ang buwanang hulog ng sasakyan at sa kabila ng paulit-ulit na pakiusap, hindi pa rin ito naibalik. Kalaunan ay natuklasan niyang isinangla ang van sa isang residente ng Nueva Vizcaya.

Sa isinagawang operasyon, natunton ng mga operatiba ang sasakyan sa pag-iingat ng isang lalaki na umamin na ito ay isinangla sa kanya noong Disyembre 19, 2025 kapalit ng ₱200,000. Matapos ipaliwanag ang legal na estado ng sasakyan, kusa itong isinuko ng nasabing indibidwal at nagpahayag sa pamamagitan ng isang sinumpaang salaysay.

--Ads--

Batay sa paunang imbestigasyon, ang suspek ay umano’y sangkot din sa mga mapanlinlang na transaksyon ng sasakyan sa ibang rehiyon na kasalukuyang iniimbestigahan.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng Nueva Vizcaya Provincial Highway Patrol Team ang nabawing van para sa mas malalim na imbestigasyon at tamang disposisyon.