Ipinagpaliban ng SexBomb Girls ang kanilang nakatakdang reunion concert sa United Arab Emirates (UAE) dahil sa nagpapatuloy na tensyon at sigalot sa Middle East.
Sa isang Instagram post, sinabi ni Rochelle Pangilinan na kasalukuyan silang naghahanap ng bagong petsa para sa nasabing konsiyerto at iaanunsiyo ito sa lalong madaling panahon.
Ang reunion concert ng grupo sa UAE ay orihinal na nakatakda sa Marso 27 sa Dubai Exhibition Centre at sa Marso 28 sa 321 Sports sa Abu Dhabi.
Nauna nang naging matagumpay at in-demand ang limang reunion concerts ng SexBomb Girls sa Maynila. Dahil dito, inanunsiyo ng grupo ang kanilang Round 6 concert at ang planong world tour sa Australia at United States.
Ang unang reunion concert ng grupo ay ginanap sa Araneta Coliseum noong Disyembre 4, habang ang ikalawa ay sa SM Mall of Asia Arena noong Disyembre 9.
Ang ikatlo, ikaapat, at ikalimang palabas naman ay ginanap din sa MOA Arena noong Pebrero 6, 7, at 8.
Sumikat ang SexBomb Girls sa kanilang araw-araw na paglabas sa isang noontime variety show noon. Kalaunan ay naging bida rin sila sa afternoon television series na “Daisy Siete” at naging matagumpay na recording artists.
Kabilang sa mga miyembro ng grupo sina Rochelle Pangilinan, Jopay Paguia, Mia Pangyarihan, Aira Bermudez, Sunshine Garcia, Aifha Medina, at Weng Ibarra.
Kilala ang SexBomb Girls sa kanilang mga dance hit na “The Spaghetti Song” at “Halukay Ube.”





