CAUAYAN CITY – Nabahala ang Kamara sa pagbaba ng Gross Domestic Product (GDP) growth ng bansa sa ikawalang quarter ng 2019 kumpara noong nakalipas na taon.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bagamat lumago ng 5.5% ang ekonomiya ng bansa sa second quarter ng 2019 mas mababa ito kumpara sa 5.6 percent noong first quarter at 6.2 percent noong 2nd quarter ng 2018.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Congressman Tonypet Albano ng 1st District ng Isabela, miyembro ng Committee on Appropriations na ang isa sa mga dahilan ng pagbagal ng ekonomiya ng bansa ay ang hindi agad na pagpapatibay sa pambansang pondo para ngayong 2019.
Sinabi pa ni Cong. Albano na kapag mataas ang GDP ng bansa at nagtuluy-tuloy ito ng 10 taon ay makikita ang maraming infrastructure projects, gaganda ang paliparan at pantalan hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan.
Kapag patuloy aniya ang pagbaba ng GDP growth ng bansa ay mababawasan ang mga magtitiwalang negosyante para mamuhunan sa bansa at wala ring magpapautang sa bansa upang pondohan ang mga proyektong kailangan ng pamahalaan upang mapaangat pa ang ekonomiya.
Sinabi pa ni Kinatawan Albano na aagahan na nila ang pagpasa sa 2020 national budget upang maiwasan ang isa sa mga sanhi ng pagbagal ng ekonomiya ng bansa.