Hindi na nagulat pa ang isang Constitutionalist sa naging desisyon ng Korte Suprema sa Articles of Impeachment laban kay VP Sara Duterte.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Isang political analyst at constitutionalist, sinabi niya na sa proseso pa lamang ng pagfile ng impeachment complaint sa Kamara ay mayroon na siyang agam-agam.
Mas nagulat aniya siya sa timing ng pagpapalabas ng desisyon ng Korte Suprema dahil aniya normal na sa kanila ang mabagal na proseso ng desisyon sa mga kaso.
Hindi umano niya akalain na kaya naman palang bilisan ng Supreme Court ang kanilang proseso.
Nagulat din siya na na-timing ang paglalabas ng desisyon bago ang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa lunes.
Wala rin aniyang naganap na oral argument at tanging pagbibigay lamang ng tanong sa Senado at Kamara kung saan matapos makuha ang sagot ay nagpalabas na sila ng desisyon.
Paliwanag niya na ang una, ikalawa at ikatlong impeachment complaint ay hindi naendorse sa Committee on Justice dahil hindi inaksyunan ng Secretary General ng Kamara.
Dahil nag-adjourn ang Kamara ng hindi inaaksyunan ang tatlong impeachment case ay itinuring na ng Supreme Court na dismissed at na-trigger na umano ang one year ban rule.
Dahil dito ay babasahin naman niya ang buong desisyon ng Supreme Court upang maliwanagan sa bagong rule.
Aniya ang “one-year bar rule” ay isang probisyon sa 1987 Philippine Constitution na nagsasaad na kapag may impeachment complaint na naihain laban sa isang opisyal, hindi na maaaring maghain muli ng panibagong complaint sa loob ng isang taon mula sa paghahain ng naunang reklamo — kahit pa ito ay ibinasura o hindi umusad.
Sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa mga articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, pinatigil nila ang proseso ng impeachment dahil sa mga isyung teknikal at paglabag sa due process. Ngunit hindi nila tuluyang pinawalang-sala si VP Duterte. Sa halip, sinabi ng Korte Suprema na maaaring muling ihain ang impeachment complaint pagkatapos ng isang taon, batay sa tinatawag na one-year bar rule.
Ibig sabihin, bawal munang maghain ng bagong impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte hanggang sa lumipas ang isang taon mula sa petsa ng naunang paghahain ng reklamo. Ayon sa ulat, posible itong ma-refile sa Pebrero 2026, isang taon matapos ihain ang kasalukuyang reklamo.
Layunin ng one-year bar rule na maiwasan ang paulit-ulit at mapanlinlang na paggamit sa impeachment process bilang pampulitikang sandata laban sa mga halal na opisyal.
Dahil ang nasabing desisyon ay sinabi ng Korte Suprema na “immediatele executory”, umaasa siyang susunod dito ang Kamara at Senado na itigil na ang impeachment trial at bumalik na sa ibang trabaho na dapat nilang gawin bilang mga legislators.











