CAUAYAN CITY– Dinakip ang isang Construction Worker dahil sa pagtutulak ng hinihinalang Shabu sa Purok 5, Brgy. Bonfal West, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office, ang suspect ay si Marion Munar, 27 anyos, construction worker at residente ng nabanggit na lugar.
Ang magkasanib na puwersa ng Municipal Drug Enforcement Unit, Bayombong Police Station, PDEA Nueva Vizcaya at ng PDEA Region 2 ang nagsagawa ng Anti Illegal Drug Buybust Operation.
Ang suspect ay nakipag-transaksyon sa isang Pulis na nagpanggap na Buyer bitbit ang isang sachet ng hinihinalang shabu katumbas ng P1,000.00.
Nang kapkapan ay narecover pa umano sa suspect ang ginamit na pera sa operasyon kabilang ang dalawa pang sachet ng hinihinalang shabu, isang cellphone Phone na hinihinalang ginamit sa pakikipagtransaksyon.
Nasamsam pa sa suspect ang 6 na piraso ng lighter, 2 pitaka kung saan inilalagay ang droga, 15 piraso ng empty transparent plastic sachet at 5 piraso ng rolled aluminum foil.
Dating tokhang surrenderee ang suspect at nagtapos pa sa Community Based Recovery and Wellness Program.
Nasangkot na rin sa kaparehong kaso si Munar taong 2017 at nakalaya taong 2019 sa pamamgitan ng Plea bargaining at ngayon ay naitala naman bilang Streel Level Individual ng pulisya .
Mahaharap sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Munar na ngayon ay nasa pangangalaga na ng Bayombong Police Station.