CAUAYAN CITY- Hindi na ikinagulat ng barangay kapitan ng Manaring, Ilagan City ang paglalakad ng isang construction worker na nag-viral sa social media pauwi sa kanilang barangay mula Metro Manila kung saan siya nagtatrabaho.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Punong Barangay Bernardo Bulawan na nakagawian na ni Virgilio Culiba, mahigit 50 anyos na maglakad mula Metro Manila kung saan siya nagtatrabaho bilang construction worker pauwi sa Manaring, Ilagan City.
Sinabi pa ni Kapitan Bulawan na si Culiba ay tubong kabisayaan ngunit nakapangasawa ng taga Manaring. Ilagan City.
Sinabi pa ni Bulawan na si Culiba ay umuuwi sa kanilang bahay isang beses sa isang taon upang ibigay ang kanyang naipon para sa kanyang pamilya.
Naglalakad umano si Culiba dahil nasasayangan sa kanyang pamasahe at kapag bumabalik sa Maynila upang ipagpatuloy ang trabaho ay sumasakay sa airconditioned bus.
Idinagdag pa ni Kapitan Bulawan na si Culiba ay mabait na tao at wala siyang kinasangkutang anumang krimen sa kanyang nasasakupan.
Nauna rito ay nakita at pinakain ng motorcycle rider si Culiba nang makitang naglalakad na may tulak tulak na kariton saka niya nai-post sa social media.
Nakarating nang maayos si Culiba sa kanilang tahanan sa Manaring, Ilagan City makaraang tulungan at ihatid ng sasakyan ng rescue team.