CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki matapos na malunod habang naliligo sa ilog na nasasakupan ng Barangay Busilelao, Echague, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Marciano Ilustre ng Echague Police Station, sinabi niya na ang biktima ay si Nomer Uminga, 40-anyos, construction worker na residente ng Rizal Santiago City, Isabela.
Aniya 4:30 ng hapon ng maganap ang insidente sa ilog Cagayan na sakop ng Purok 1 Busilelao Echague, Isabela.
Batay sa mga kaanak ng biktima nag-inuman sila sa tabing ilog ng mapag-pasyahan nilang maligo, makalipas ng ilang minuto ay hindi nila ito makita.
Naalarma sila kaya agad silang humingi ng tulong sa mga Barangay Officials na naka bantay sa lugar.
Sa katunayan aniya may Police Assistance Desk naman sila doon subalit 700 meters ang layo nito kung saan nag inuman ang biktima at mga kasamahan nito.
Sa kanilang paghahanap ay agad nila itong natagpuan sa gitnang bahagi ng ilog.
Isinugod pa ng Echague Rescue Team ang biktima sa pagamutan subalit idineklarang Dead on Arrival ng attending Physician.
Hindi naman ito ang unang beses na nakapagtala ng pagkalunod sa lugar dahil may mga nalunod na rin doon nitong mga nagdaang taon.
Idinagdag pa ni PLt. Ilustre na hindi sila nag kulang sa paalala sa publiko mula ng magsimula ang Holy Week para sana maiwasan ang ganitong insidente, paalala niya na hanggat maaari ay maging maingat at huwag maligo sa ilog kung nakainom ng alak.











