CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang construction worker matapos tagain ng asawa ng kanyang nakaalitan sa Annafunan, Echague, Isabela.
Ang biktima ay si Camlon Gumarac, 34-anyos, may asawa, construction worker habang ang suspek ay 56-anyos na ginang, may asawa, magsasaka at kapwa residente ng nasabing lugar.
Ayon sa Echague Police Station, sumugod ang lasing na biktima sa bahay ng suspek bitbit ang isang itak.
Agad nitong sinunggaban ang asawa ng suspek na si Reymundo Quiseng at sinakal sa leeg saka dinala sa madilim na bahagi ng bahay.
Nagbanta umano ang biktima na papatayin nito si Reymundo at nagkaroon ng komosyon.
Dahil sa pagpapambuno ng dalawa ay nabitawan ng biktima ang kanyang itak na agad namang pinulot ng suspek at pinagtataga ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Agad namang nakatakbo ang sugatang biktima na kalaunan ay dinala sa Southern Isabela Medical Center sa Santiago City habang ang suspek ay kusang sumuko sa barangay at nasa kustodiya na ng Echague Police Station para sa imbestigasyon at kaukulang disposisyon.