--Ads--

Patay ang isang 48-anyos na construction worker matapos barilin sa likod ng ulo malapit sa kanyang tenga habang nasa isang videoke session sa Barangay San Marcos, San Mateo, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Roberto Miguel, residente ng nasabing barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mimi Alfonso, kapatid ng biktima, nagsimula ang insidente dahil lamang sa isang kantang nais awitin ng parehong panig. Inawit umano ng kaibigan ng biktima ang isang kanta na nais ding kantahin ng suspek na nakilalang si alyas “Goryo,” residente ng bayan ng Ramon, Isabela.

Habang ibinabalik na umano ng biktima ang mikropono sa suspek, bigla na lamang itong pinaputukan. Isinugod si Miguel sa ospital ngunit idineklara rin itong patay makalipas ang ilang minuto.

--Ads--

Samantala, ayon kay Dario Balala, kaibigan ng biktima, walang personal na alitan sa pagitan ni Miguel at ng suspek.

Ang pagtatalo umano ay sa pagitan ng biktima at bayaw ng suspek. Dagdag pa ni Balala, pati siya ay tinangkang barilin ng suspek matapos ang paputukan ang biktima.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng San Mateo Police Station upang matunton ang kinaroroonan ng tumakas na suspek.