--Ads--

Inaresto isang 31-anyos na construction worker matapos mahulihan ng hindi lisensyadong baril sa isinagawang Oplan Sita sa Cauayan City, Isabela, gabi ng Pebrero 21, 2026.

Ayon sa ulat mula sa Cauayan City Police Station, bandang alas-10:00 ng gabi nang magsagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Foot Patrol 2 at 3 sa kahabaan ng Dacanay Street, Barangay San Fermin, partikular sa harap ng isang variety store.

Napansin ng mga operatiba ang isang pulang Rusi 150cc motorcycle na walang plaka at minamaneho ng isang lalaki na hindi rin nakasuot ng helmet. Dahil dito, agad itong pinara ng mga pulis para sa beripikasyon.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Enteng,” 31 taong gulang, may asawa, construction worker, at residente ng Barangay San Pablo, Cauayan City. Nang hingan siya ng lisensya at mga dokumento ng motorsiklo, at habang sinusuri ang kanyang dalang olive green sling bag, napansin ng isa sa mga pulis ang nakalantad na hawakan ng baril.

--Ads--

Sa isinagawang inspeksyon, nakumpirma na ito ay isang caliber .22 revolver na walang markings at walang kaukulang papeles. Dahil dito, agad siyang inaresto dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nasamsam mula sa suspek ang isang caliber .22 revolver na may mga bala, isang olive green sling bag, isang National ID, at ang pulang Rusi 150cc motorcycle na walang plaka.

Ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine sa wikang kanyang naiintindihan. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Cauayan City Police Station para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Samantala, muling pinaalalahanan ng pulisya ang publiko na mahigpit na ipinapatupad ang batas laban sa ilegal na pagdadala ng baril bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra kriminalidad sa lungsod.