Tumangging magsalita kaugnay sa mga umano’y ghost flood control projects sa lalawigan ng Bulacan ang contractor ng Wawao Builders.
Humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang may-ari ng Wawao Builders na si Mark Allan Arevalo ngunit hindi niya sinagot ang tanong ng mga senador kung sangkot ang kanilang kompanya sa naturang mga proyekto.
Iginiit ni Arevalo ang kanyang right against self-incrimination matapos payuhan ng kanyang abogado na huwag nang sagutin ang naturang katanungan.
Bagama’t tumanggi siyang magsalita tungkol sa ghost projects sa Bulacan, inamin ni Arevalo na may mga flood control projects ang kanilang kompanya sa San Juan at Quezon City.
Ayon sa datos ng DPWH, si Mark Allan Arevalo ang Direktor ng kumpanya, may mga proyekto ito sa Bulacan na may bilang na 85 Flood Control Project.
Ngunit nang umulan at bumaha muli sa probinsya nagulat ang mga taga-Calumpit, Paombong, Hagonoy at Malolos dahil mas tumaas pa ang tubig.
Hanggang sa mabunyag na ang karamihan sa mga proyekto ng Wawao Builders ay Ghost Project.
Samantala, hinikayat ni Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta ang Wawao Builders na pangalanan ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa mga maanomalyang proyekto upang ikonsidera ang posibilidad na hindi na sila sampahan ng plunder cases, dahil naniniwala siyang hindi ang mga contractor ang pinakapananagot sa mga guni-guning flood control projects.











