
CAUAYAN CITY – Mahaharap sa patung-patong na kaso ang isang cook na mula sa lunsod ng Cauayan dahil sa pagtutulak ng iligal na droga at masamsaman ng baril sa Turod Norte, Cordon, Isabela.
Ang pinaghihinalaan ay si Ruperto Castro, Jr., 53-anyos at residente ng District 1, Cauayan City.
Sa pagtutulungan ng Cordon Police Station, Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), CIDG at PDEA Region 2 ay isinagawa ang buybust operation laban sa pinaghihinalaan.
Nakipagtransaksyon sa isang pulis na nagsilbing buyer ang suspek bitbit ang isang sachet ng hinihinalang shabu katumbas ng P1,000.
Nakuha sa pag-iingat ni Castro ang isang piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang Caliber 38 revolver na may tatlong bala, isang cellphone, dalawang piraso ng P500 bill bilang marked money, sling bag at tricycle.
Mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Si Castro ay kabilang sa DI Watchlist ng mga awtoridad.










