--Ads--

Mas paiigtingin ng Cordon Municipal Police Station ang pagbabantay sa mga lansangan, pati na rin ang koordinasyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.

Ito ay kasunod ng malungkot na insidente kung saan nasawi ang isang pulis matapos sumalpok sa poste habang minamaneho ang kanyang motorsiklo sa pambansang lansangan sa Barangay Caquilingan, Cordon, Isabela.

Ayon sa ulat, matapos ang banggaan sa poste, tumilapon ang pulis sa innermost lane ng kalsada, dahilan upang siya ay masagasaan ng kasunod na dumaan na closed van.

Kinilala ang nasawing pulis na si PSMS Reymundo Maramag, 43-anyos, may asawa, nakatalaga sa Police Security and Protection Group-PNP National Head Quarters at residente ng Barangay Cataggaman Nuevo, Tuguegarao City, Cagayan.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Federico Tulay, Deputy Chief of Police ng Cordon Police Station, sinabi nito na bagamat nakasuot ng protective gear ang pulis at nasa outermost lane, hindi pa rin niya naiwasan ang poste ng kuryente.

Aniya nakakalungkot ang pangyayari, ngunit ito ay paalala sa lahat ng motorista na maging maingat sa pagmamaneho at iwasan ang pagmamaneho kapag nakararamdam ng antok, dahil ito ay isa sa mga pangunahing sanhi ng aksidente.

Upang maiwasan ang ganitong trahedya sa hinaharap, makikipag-ugnayan ang Cordon Police sa DPWH para sa mas maayos na signages, pagpapalipat o pagsasaayos ng mga poste na nakatayo sa outermost lanes, at pagpapalagay ng mas malinaw na ilaw sa kalsada.

Bukod dito, paiigtingin din nila ang information dissemination sa mga motorista upang maipaalam ang mga umiiral na batas trapiko at mga paalala sa kaligtasan sa lansangan. Layunin ng hakbang na ito na mabawasan ang aksidente at mapanatili ang kaligtasan ng lahat ng nagbibiyahe sa Cordon, Isabela.