CAUAYAN CITY – Tumaas ang mga kaso ng COVID-19 sa Isabela na may 118 na aktibong kaso ngayong araw.
Ang mga nangunang nakapagtala ng mataas na kaso ay ang Santiago City na may 44 na aktibong kaso, ang City of Ilagan na may 15, ang Cauayan City na 10, Jones na may 8 at Alicia na may 7.
Sa mga lunsod at bayan sa Isabela ay 9 na bayan ang nakapagtala ng zero case.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong King Alabon, Health Promotion Officer ng Isabela Provincial Health Office na 52% o 62 mga aktibong kaso ay mga babae habang 23 ang hindi nabakunahan kontra COVID-19.
Umabot naman sa 19 sa mga aktibong kaso ang hindi pa puwedeng bakunahan dahil sila ay nasa edad lima pababa.
Umabot sa 62 ang na-admit sa ospital, ang 43 na kaso ay nasa home quarantine habang 13 ang nasa community isolation unit o quarantine facility ng mga pamahalaang lokal.
Walo sa 118 COVID-19 cases sa Isabela ang nasa severe na kalagayan.
Ayon kay Ginoong Alabon, naitala noong May 15, 2023 ang pagkasawi sanhi ng Covid 19 ng isang 57 anyos na lalaki sa Santiago City na hindi nabakunahan.
Ang pagtaas aniya ng mga kaso ng COVID-19 ay bunga ng maluwag na restrictions, optional na pagsusuot ng facemask at malaya ang mga tao sa maramihang pagtitipon .
Patuloy ang pagbibigay ng bakuna sa eligible population sa mga Rural Health Unit (RHU) ng mga bayan at Lunsod.
Pinag-iingat ni Ginoong Alabon ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagsusuot ng facemask at pagpapabakuna laban sa COVID-19.