
CAUAYAN CITY – Nakatakda nang isagawa ang mass testing sa Santiago City upang mapigilan ang pagkalat ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Ito ay hakbang ng pamahalaang lunsod dahil sa tatlong naitalang nagpositibo sa COVID-19 sa Santiago City na kinabibilangan nina PH 3987 na gumaling na sa nasabing sakit, PH 7236 at PH 7308 na kapwa ginagamot sa ospital.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Health Officer Genaro Manalo, sinabi niya na inihahanda na ang mga kagamitan sa isasagawang mass testing.
Kasalukuyan na ang pagproseso sa pag-angkat ng mga PCR test kits maging ang mga Stand Alone Molecular Diagnosis Laboratory o Swab booth na nakatakdang gamitin sa pagkuha ng sample.
Sinabi pa ni Dr. Manalo na pinaghahanda na ng kanilang tanggapan ang mga health workers na mangunguna sa pagkuha ng COVID-19 sample upang matiyak na mapapangalagaan ang kanilang mga sarili.
Unang sinabi ni Mayor Joseph Tan na prayoridad sa mass testing ang mga frontliners na kinabibilangan ng mga health workers, opisyal ng barangay, mga pulis maging ang mga vendors sa Pamilihang Lungsod at mga kawani ng pamahalaang lunsod ng Santiago.










