CAUAYAN CITY – Bumaba ng 30% ang mga COVID-19 patients sa COVID ward ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na bumaba na ng mahigit 30% ang COVID-19 patients sa ospital.
Kaninang alas kuwatro ng madaling araw ay mayroong 133 na COVID-19 patients sa COVID ward ng CVMC na kinabibilangan ng 116 na confirmed patients habang 17 ang suspect patients.
Sa mga kumpirmadong positibo sa virus ay pinakamarami ang Cagayan na may 94, sa Isabela ay 18 at apat sa Kalinga.
Sa mga suspect patients naman ay pinakamarami pa rin ang Cagayan na may 9, sa Isabela ay 6 habang tig-iisa sa Kalinga at Apayao.
Ayon kay Dr. Baggao, noong nakaraang buwan ay umabot pa sa 204 at apat ang COVID-19 patients sa CVMC.
Aniya, ang nakikita niyang dahilan sa pagbaba ng mga kaso ay maaring naisip na ng mga tao ang kahalagahan ng pagsunod sa mga panuntunan.
Malaking tulong aniya ang paghuli sa mga lumalabag sa mga panuntunan para sumunod ang mga tao.
Dahil dito, natutuwa sila dahil bumaba ang kailangang tutukan ng kanilang mga health workers sa COVID ward ng pagamutan.
Samantala, walang problema kay Dr. Baggao kung babaan ang quarantine protocol sa rehiyon.
Ang mahalaga aniya ay sundin ang mga minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shields at pagsunod sa social distancing.











