
CAUAYAN CITY – Puno na ang COVID ward ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na punung-puno na ang COVID ward ng ospital dahil lumagpas na ang bilang ng mga pasyente sa kanilang bed capacity.
Aniya, nasa 132 na ang COVID patients sa CVMC at 125 ang kanilang bed capacity.
Ito na ang pinakamataas na record ng ospital mula ng magsimula ang COVID-19.
Ang naging hakbang nila ay ginawang dalawahan ang COVID confirmed case sa isang kuwarto kahit hindi na magkamag-anak.
Ayon kay Dr. Baggao, marami ang nasa mild condition na maaari sanang i-admit sa mga district hospital o sa mga isolation facilities ng Local Government Unit (LGU) at kung may comorbidities ay saka na lamang sana dalhin sa isang referral hospital tulad ng CVMC.
Muli siyang umapela na sundin sana ng mga district hospital ang naging direktiba ni Health Secretary Francisco Duque na maglaan ng 30% sa kanilang pagamutan para sa mga mild, moderate o asymptomatic cases.
Ayon pa kay Dr. Baggao, problema na rin nila ang mga personnel ng CVMC dahil kapag dumadami ang pasyente ay kailangan din nilang magdagdag ng mga personnel.










