
CAUAYAN CITY – Punung puno na ng pasyente ang Covid ward ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, ang Medical Center Chief, sinabi niya na sa oras na alas kwatro kahapon ng hapon ay umabot na sa record high na 192 na bilang ng pasyenteng may covid 19 ang nakaconfine ngayon sa kanilang ospital.
Napakataas aniya ito kung ikukumpara noong nakaraang dalawang linggo na mayroon lamang walumpung pasyente ang kanilang Covid ward.
Karamihan sa mga pasyente ay galing sa lalawigan ng Cagayan na may 147 na kabuuang bilang at pinakamarami sa nasabing bilang ang galing sa lunsod ng Tuguegarao na may walumput anim.
Naitala naman ang labing anim na mula sa lalawigan ng Isabela at tig isa sa lalawigan ng Kalinga at Apayao.
May dalawamput pito namang susect patients na hinihintay ang resulta ng kanilang swab test.
Bukod sa 192 na pasyenteng nasa covid ward ay may dalawamput anim pang nasa kanilang tent habang tatlong pasyente rin ang nasa loob ng kanilang sasakyan dahil mas komportable umano ang mga ito sa loob ng kanilang sasakyan.
Ayon kay Dr. Baggao wala na silang paglalagyan sa mga irerefer pang pasyente ng mga district at private hospital sa rehiyon.
Dahil sa pagtaas na naman ng kaso ng Covid 19 ay nagdagdag ang CVMC ng limampung kama para sa mga pasyente at ngayon ay dalawandaan na ang bed capacity ng CVMC para sa mga covid patients.
Ngayong araw ay muli rin silang magdadagdag ng limampung kama upang mapaghandaan sakaling may darating pang mga pasyente ng Covid 19.
Muli ring naghire ang pamunuan ng CVMC ng mga empleyado bilang karagdagang mag aasikaso sa mga pasyente.
Kulang narin anya ang kapasidad ng kanilang Oxygen Generating plant kaya bumili na sila ng isandaang tangke para matustusan ang pangangailangan ng mga pasyente.
Hinikayat naman ni Dr. Baggao ang mga LGUs at ospital na magdadala ng pasyente sa CVMC na kung asymptomatic at mild cases lamang ay sa isolation facility na muna sila dalhin.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na magdoble ingat upang hindi mahawaan ng Covid 19 lalo na at kumakalat na ang Delta Variant.










