CAUAYAN CITY – Puno na ang mga hospital bed sa COVID ward ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Lunsod ng Tuguegarao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glenn Mtthew Baggao, medical center chief ng CVMC na ito ang dahilan kung bakit ipinag-utos niya sa mga security guard ng ospital na ibalik ang karatula na full capacity na ang CVMC.
Maging ang mga kawani ng pagamutan na nagpositibo sa COVID-19 ay wala nang paglagyan.
Huli aniyang naranasan ang pagiging full capacity ng CVMC noong ikatlo at ikaapat na quarter ng 2021 nang umabot sa 308 ang mga COVID-19 positive kahit 250 lang ang mga kuwarto sa COVID ward.
Ayon kay Dr. Baggao, nakakalungkot ang sitwasyon ngayon sa pagamutan at naaawa na siya sa mga healtcare workers dahil 213 ang mga COVID-19 patients ngayon kumpara sa 4 na lang noong Disyembre 2021.
Ang mga inilaan lamang nila ngayon ay 200 beds kaya mahigit 100% nang puno ang kapasidad ng COVID ward.
Nakikipag-ugnayan sila sa Department of Health (DOH) region 2 na muling buksan ang quarantine facility na 64 beds na isinara noong Disyembre 2021 dahil sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Baggao, pumayag ang pamunuan ng DOH region 2 sa kahilingan nilang sila muna ang mamahala sa quarantine faciity para may mapaglagyan sila sa maraming referral patients sa CVMC.
Hiniling niya sa mga provincial health officer ng Cagayan at Isabela na huwag munang mag-refer sa kanila ng mga mild cases ng COVID-19 dahil prayoridad ang mga severe at critical cases.
Ayon kay Dr. Baggao, napapanahon na ilagay sa alert level 3 ang ilang lalawigan at lunsod sa region 2 para makontrol ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.