Inihayag ng isang abogado na burado na ang criminal liability ni dating DPWH Usec. Maria Catalina Cabral matapos itong masawi, gayunman mananatili ang civil liability nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, isang Law Professor, kahit patay na si former Usec. Cabral, maaari pa ring habulin ng pamahalaan ang kaniyang estate o ari-arian.
Idinagdag pa niya na maaaring magkaroon ng problema kung sakaling magkaroon ng cross-examination sa mga sangkot, kasama ang mga dating pahayag ni Cabral noong siya ay humarap sa Blue Ribbon Committee.
Aniya, bagama’t maaaring ma-reproduce ang naturang mga pahayag at gamitin sa cross-examination, hindi maaaring alisin ang karapatan ng isang nasasakdal na sasailalim sa paglilitis.
Sa kabila nito, maaaring magamit ang anumang public document na iniwan ni Cabral, subalit dapat ipaubaya sa isang custodian ang pag-identify sa sinasabing mga dokumento.
Ang magiging pasya sa anumang kahihinatnan ng mga pahayag at mga dokumento na iniwan ni Cabral, na maaaring makaapekto sa hatol laban sa mga sangkot o pinaratangan, ay nasa kamay pa rin ng korte na humahawak nito.











